-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mabilisang pagsasabatas ng magkakambal na panukala na naglalayong tiyakin ang karapatan ng mamamayan sa impormasyon at labanan ang pagkalat ng fake news.

Ayon kay Yamsuan, Vice-Chair ng House Committee on Public Information, ang pagsasabatas sa kasalukuyang Kongreso ng iminumungkahing batas sa Right-To-Information (RTI) at ng Anti-False Information (AFI) Act ay magtitiyak na magtutulungan ang dalawang panukala upang makamit ang mga naturang layunin.

Sinabi ni Yamsuan na kapag ang mga kababayan natin ay may tamang impormasyon at protektado laban sa pagkalat ng fake news, makakapagpasya sila ng tama at makakalahok sa pagbuo ng mga polisiya.

Ipinasa na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang dalawang prayoridad na panukalang ito ng administrasyong Marcos noong Martes, Mayo 26, 2026.

Sa ilalim ng RTI bill, magtatatag ng isang independiyenteng RTI Commission at isang digital portal para sa mas madaling paghiling ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan.

May nakalaan ding proteksyon para sa mga whistleblower, habang may parusa naman sa mga opisyal na haharang sa paglalabas ng impormasyon.

Samantala, paparusahan naman ng AFI bill ang malisyosong pagpapakalat ng pekeng balita, partikular na sa mga social media platforms, nang hindi nailalagay sa panganib ang kalayaan sa pagpapahayag.

Umaasa si Yamsuan na sa pamamagitan ng mga panukalang ito ay muling mababalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan at mapoprotektahan ang demokratikong proseso sa bansa.

“While ensuring a balanced approach in combating fake news, we also have to be ready to face and correct the spread of misinformation and disinformation that threaten our government institutions. The proliferation of fake news can be used as a weapon to manipulate public opinion and the democratic process,” pahayag ni Yamsuan.