Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Kongreso na madaliin ang pagpasa sa panukalang Cybersecurity Act upang maprotektahan ang mga kritikal na impormasyon sa bansa at mapalakas ang depensa laban sa mga banta sa internet.
Ipinalabas ni Yamsuan ang panawagan kasunod ng babala ng International Monetary Fund (IMF) ukol sa tumataas na banta ng cyber attacks sa pandaigdigang sistema ng pananalapi gamit ang Artificial Intelligence (AI).
Binanggit din ng Kongresista ang naganap na data breach sa Canvas, isang Learning Management System na ginagamit ng mga unibersidad sa Pilipinas, na naglantad sa mga pribadong rekord ng mga estudyante.
Ayon kay Yamsuan, ang mga cyber attack ay hindi lamang simpleng pagnanakaw ng datos para sa phishing, kundi isang malaking banta sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Iniulat din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy nilang hinaharap ang mga cyber attack na may kaugnayan sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ang House Bill 7359 ni Yamsuan ay kabilang sa 26 na panukala na pinagsama-sama ng House Committee on Information and Communications Technology sa ilalim ng pamumuno ni Camarines Sur 5th District Rep. Migz Villafuerte.
Inaprubahan ng komite ang bersyong ito noong Mayo 6, at kasalukuyan itong nakasalang sa House Committee on Appropriations para sa pagpopondo.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang National Cyber Security Agency (NCSA) at isang nagkakaisang pambansang network upang magkaroon ng iisang pamantayan at mabilis na depensa ang lahat ng ahensya ng gobyerno laban sa mga banta sa digital na teknolohiya.
Ang Cybersecurity Act ay kabilang sa mga pangunahing prayoridad na batas ng administrasyong Marcos.
















