-- Advertisements --

Sinimulan na nitong Sabado, Mayo 23, ang dredging operations sa mga baradong daluyan ng tubig sa lungsod na ito bilang bahagi ng paghahanda sa panahon ng tag-ulan sa ilalim ng programang “Oplan Kontra Baha” ng administrasyong Marcos.

Isinagawa ang hakbang wala pang isang linggo matapos mag-inspeksyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga bahaging madalas bahaing lugar sa lungsod.

Nagpasalamat si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan kay DPWH Secretary Vince Dizon at Metro Manila 2nd District Engineering Office OIC Hanzel Samson sa agarang pagpapadala ng amphibious excavator mula pa sa Tarlac upang simulan ang paglilinis sa Villanueva Creek na matatagpuan sa loob ng Manila Memorial Park.

Ang naturang ilog ay isa sa mga umaapaw at nagiging sanhi ng hanggang limang talampakang baha sa Dr. Santos Avenue (Sucat Road) na nagdudulot naman ng matinding trapiko sa SLEX at Skyway.

Bukod sa Villanueva Creek, isasailalim din sa dredging ang Don Galo Creek sa Barangay Moonwalk na kapwa barado dahil sa basura at banlik (silt).

Maliban sa dredging, inihayag ni Dizon na magtatayo rin ang DPWH ng flood interceptor project sa kahabaan ng Dr. Santos Avenue kung saan maglalaan ang ahensya ng paunang P50 milyong pondo ngayong taon mula sa kanilang savings, at isasama ang karagdagang pondo sa panukalang budget para sa 2027.

Plano rin ng DPWH na maglaan ng pondo sa 2027 para sa pagsasaayos ng mga lumang dike at pagtatayo ng mga detention basin sa ilalim ng mga basketball court at open spaces.

Kasabay nito, nakiusap si Yamsuan sa mga residente na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura upang hindi masayang ang mga proyekto ng pamahalaan.