-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senate President Franklin Drilon na hindi magiging problema kung abogado ang mga senador o hindi, sa kanilang pag-upo bilang mga husgado sa impeachment court.

Ayon kay Drilon, hindi importante ang legal background para malaman ng mga senador ang kanilang tungkulin at sumunod sa rules o panuntunan na itinatakda ng Senado, kapwa bilang isang legislative body at bilang isang impeachment court.

Komento ito ni Drilon nang matanong kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta ukol sa ‘kawalan ng legal background’ ni Sen. Risa Hontiveros, at ang implikasyon nito sa inaasahang trial laban kay VP Sara Duterte.

Ayon sa dating Senate President, ang disenyo ng sistema sa impeachment proceedings at maging sa legislative proceedings ay nabuo sa paraan na hindi kailangan ng law background o nakapagtapos sa abogasya.

Nanindigan ang batikang senador na kahit walang legal background, magagawa ng mga senator-judge na gampanan ang kanilang tungkulin, kapwa bilang mambabatas at bilang husgado.

Naniniwala rin si Drilon na hindi mahalaga kung kulang sa background ukol sa saligang batas ang isang senador, basta’t ‘willing’ itong matoto at tapat siya sa kaniyang sinumpaang tungkulin.

Maaari aniyang makakuha ang mga ito ng mga adviser na gagabay sa kanila para masiguro na ang ginagawa o ang desisyon ay salig sa itinatakda ng konstitusyon.