Ebidensya at hindi popularidad ang magpapasya sa kahihinatnan ng impeachment trial ni Vice Presidente Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre nitong Sabado, May 30, kung saan ginawa niyang halimbawa ang pagpapatalsik nuon kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong 2001 upang patunayang kayang panagutin ng bansa maging ang pinakasikat na pinuno kung ilalatag ang mga ebidensiya.
“Noong 2001, napaka popular na presidente ni Erap. Ang Senado noon ay pinamumunuan ng kaniyang mga kaalyado. Pero nabago ng ebidensya at ng proseso ang pananaw ng mga tao,” pahayag ni Rep. Acidre.
Ayon kay Acidre, pinatunayan ng kasaysayan na nagbabago ang opinyon ng publiko kapag mismong ang taumbayan na ang nakakakita sa mga katotohanan.
Naniniwala siya na ang pagsubok na ito ay bago sa kasalukuyang henerasyon ngunit nagawa na noon ng bansa.
Idiniin din ng mambabatas na hamon ngayon sa kanila na ilatag ang mga ebidensya sa paraang madaling mauunawaan ng mga ordinaryong Pilipino upang makita nila ang kanilang papel sa isyu.
Dagdag pa ni Acidre, bagamat magkakaiba ang politikal na pananaw ng mga Pilipino, nagkakaisa pa rin ang mga ito sa paghahanap ng pananagutan at mabuting pamamahala.
Ipinaalala rin niya na maging ang mga politikong kumampi kay Estrada noon ay naparusahan ng mga botante sa mga sumunod na halalan matapos magbago ang hatol ng publiko dahil sa ebidensya.
















