Inanunsyo ni US President Donald Trump ang pagbuo ng “Board of Peace” para sa Gaza, na layong mangasiwa sa pansamantalang pamumuno at rekonstruksyon ng mga napinsalang lugar matapos ang digmaan ng Israel at Hamas.
Kabilang sa founding members nito sina US Secretary of State Marco Rubio at dating Punong Ministro ng UK na si Sir Tony Blair. Kasama rin sa executive board sina Middle East envoy Steve Witkoff, Jared Kushner, World Bank President Ajay Banga, Marc Rowan, at US national security adviser Robert Gabriel habang si Trump ang magsisilbing chairman ng lupon.
Itinalaga rin ang dating UN Middle East envoy na si Nickolay Mladenov bilang kinatawan ng board sa mismong Gaza
Ang naturang lupon ay bahagi ng 20-point peace plan ni Trump.
Bukod dito, bubuo ng International Stabilisation Force na pamumunuan ni US Major General Jasper Jeffers upang suportahan ang seguridad at sanayin ang Palestinian police.
Kasabay nito, itatatag ang hiwalay na National Committee for the Administration of Gaza, isang 15-member Palestinian technocratic body na pamumunuan ni Ali Shaath para pamunuan ang pang-araw-araw na operasyon sa teritoryo.
Matatandaang ipinatupad ang US peace plan noong Oktubre ng nakalipas na taon at nasa ikalawang yugto na ito, na nakatuon sa rekonstruksyon at demilitarisasyon ng Gaza, kabilang ang pagdidisarma sa Hamas.
Gayunman, nananatiling marupok ang kasunduan dahil may naitatala pa ring karahasan, at base sa United Nations, nananatiling malubha ang kalagayan ng mahigit 2.1 milyong Palestino sa Gaza.
















