Malaki ang posibilidad na walang mga import na kukunin ang PBA kapag sila ay nagbalik sa paglalaro.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial, na hanggang wala pang bakuna laban sa coronavirus ay mahihirapan silang magdala ng mga import sa bansa.

Dagdag pa nito na posibleng takot din ang mga import na bumiyahe sa Pilipinas ganun din ang mga local players na makipaglaro sa kanila dahil baka magkahawaan ng coronavirus.

Isa rin sa kakaharapin na problema ay ang pagsasailalim sa mga dayuhan ng 14 day quarantine bilang pagsunod sa health protocols na ipinapatupad ng gobyerno.

Nauna rito, naghahanda na ang PBA pagbabalik ng mga laro na posibleng mangyari sa Hulyo.