Inaresto ng mga awtoridad sa immigration ng Estados Unidos si Julio Cesar Chavez Jr, anak ng Mexican boxing legend na si Julio Cesar Chavez, at planong i-deport matapos umanong magsumite ng maling impormasyon sa kanyang aplikasyon para sa permanenteng paninirahan sa bansa.
Ayon sa U.S Department of Homeland Security (DHS), napag-alamang ilegal umano ang pananatili ni Chavez Jr. sa Amerika at may ugnayan umano rin ito sa Sinalao Cartel, na siyang itinuturing ng ahensya bilang teroristang grupo.
Naaresto si Chavez Jr. sa kanyang bahay sa Studio City, Los Angeles, dalawang araw matapos siyang matalo kay Jake Paul sa isang high-profile boxing match sa Anaheim.
Ayon naman sa kanyang abogado labis anila ang ginagawang paninira sa boxer gayundin aniya na tila pananakot lamang ito sa publiko.
Nabatid na si Chavez Jr. ay may nakabinbing arrest warrant sa Mexico kaugnay ng organized crime at illegal firearms.
Natukoy din na ang kanyang asawa, na si Frida Munoz Chavez, ay dating asawa ng anak ni “El Chapo” Guzman, ang kilalang pinuno ng Sinaloa cartel.
Bagama’t siya ay pinayagang pansamantalang makapasok sa Estados Unidos noong Enero, sinabi ng DHS na na-overstay niya ang tourist visa noon.
Isiniwalat din ng ahensiya na si Chavez ay na-convict noong 2024 sa Los Angeles, ngunit tinanggi ito ng kanyang abogado, at sinabing siya ay nabigyan ng “mental health diversion” na siyang nagresulta ng pagkakabasura ng kaso.
Matatandaan na nagkampyon si Chavez Jr sa WBC middleweight division noong 2011, ngunit nasangkot sa ilang kontrobersyang kanyang buong karera, kabilang ang mga suspensyon dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa kasalukuyan, hawak niya ang record na 54 panalo, 6 talo, at 1 tabla, kabilang ang 34 knockouts.