-- Advertisements --

Umapela si House Deputy Minority Leader Leila de Lima sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology na agarang tiyakin at pangalagaan ang kaligtasan ng inmate na si Ramil Lagunoy Madriaga.

Ang panawagang ito ay kasunod ng paglabas ng kanyang sinumpaang salaysay, o affidavit, na naglalaman ng mga mabibigat at sensitibong paratang laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay De Lima, bilang isang inmate na nasa kustodiya ng estado, ang pamunuan ng BJMP ay mayroong tungkulin at responsibilidad na siguruhin ang seguridad at kapakanan ni Madriaga.

Sa isang news forum, , sinabi ng mambabatas na hindi niya masabi nang may katiyakan kung mayroon bang direktang banta sa kaligtasan ni Madriaga sa kasalukuyang panahon.

Gayunpaman, iginiit ni De Lima na nararapat lamang na bigyang-pansin at seryosohin ng mga awtoridad ang sitwasyon, lalo na habang ang mga paratang na nakapaloob sa affidavit ay isinasailalim sa masusing pagbusisi at imbestigasyon.

Gayunman, nilinaw ni De Lima na bagama’t ang affidavit ay duly sworn o isinagawa sa ilalim ng panunumpa, nais pa rin niyang magsagawa ng due diligence bago gumawa ng anumang hakbang o magpahayag ng kanyang opinyon.

Mahalaga, aniya, na maging maingat at huwag magmadali sa paghusga sa mga maseselan at sensitibong usapin.

Si Ramil Lagunoy Madriaga ay kasalukuyang nakakulong sa isang pasilidad ng BJMP na matatagpuan sa Bicutan, Taguig City.