Sinabihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga newly-promoted Generals at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang soberanya ng bansa at panatilihin ang pambansang seguridad.
Ito ang binigyang-diin ng Pangulo sa oath-taking ceremony ng mga opisyal ng AFP at mga nagtapos sa foreign pre-commissioned training institutions na ginanap sa Malacañan Palace.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang panunumpa ay muling pagpapatibay ng kanilang tungkulin na igalang ang Konstitusyon, maglingkod sa sambayanang Pilipino, at manatiling tapat sa Republika. Binigyang-diin ng Pangulo ang mas mabigat na responsibilidad ng mga opisyal na mamuno nang may karunungan, disiplina, at integridad.
Paalala ng Pangulo, ang mga bituing suot ng mga opisyal ay sumasagisag sa kanilang pananagutan na protektahan ang mamamayan, ipagtanggol ang teritoryo ng bansa, at pangalagaan ang kalayaang demokratiko.
Kabilang din aniya sa responsibilidad na ito ang mga reservist na tumutulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng AFP.
Muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako ng administrasyon sa modernisasyon ng AFP sa pamamagitan ng pagsasanay, international cooperation, at pagpapahusay ng kakayahang operasyonal upang matugunan ang tradisyunal at bagong hamon sa seguridad.
Binanggit din ng Pangulo ang pagtaas ng base pay at daily subsistence allowance ng military at uniformed personnel bilang bahagi ng pagpapabuti sa kanilang kapakanan.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang sakripisyo at suporta ng mga pamilya ng opisyal ng AFP at hinikayat ang buong sandatahang lakas na manatiling nagkakaisa sa paglilingkod sa bayan para sa isang mas matatag at mas ligtas na Bagong Pilipinas.
















