Hinikayat ng isang obispong Katoliko ang mga social action workers ng Simbahan na manatiling matatag sa katotohanan kahit pa humarap sa pagtanggi at pagtutol, iginiit na ang pagiging tapat ay hindi laging nagbubunga ng papuri o pagtanggap.
Sa kanyang homiliya noong Miyerkules sa ginanap na Misa sa Diocesan Shrine of San Agustin sa Tanza, Cavite, binalikan ni Bishop Jose Colin Bagaforo ng Dioceses ng Kidapawan ang Ebanghelyo kung saan tinanggihan si Hesus ng sarili niyang bayan sa kabila ng kanyang karunungan sa pagtuturo.
“Rejection does not always mean error; sometimes it means fidelity,” pahayag ni Bagaforo sa mga kalahok ng 42nd National Social Action General Assembly (NASAGA).
Ayon sa dating pangulo ng Caritas Philippines, hindi kailanman binawasan ni Hesus ang kanyang mensahe kahit pa siya ay pagdudahan ng mga taong inakala nilang lubos nila siyang kilala.
Dagdag pa ng obispo, mas madalas umanong nakararanas ng mas matinding pagtutol ang mga tinig na pamilyar sa komunidad, sapagkat mas bukas ang mga tao sa pagsaway mula sa sanlibutan kaysa sa mga taong malapit sa kanila.
Binanggit din ni Bagaforo ang nasusulat sa Ebanghelyo na kakaunti lamang ang himalang nagawa ni Hesus sa Nazareth dahil sa kakulangan ng pananampalataya ng mga tao roon.
“Not because he lacked power, but because closed hearts block God’s work,” ani Bagaforo.
Ayon pa sa obispo, hindi tinalikuran ni Hesus ang kanyang misyon sa kabila ng pagtanggi ng tao sa kanya, bagkus ay nagpatuloy ito nang may integridad at pagtitiyaga.
Hinimok niya ang mga social action workers na manatiling tapat sa kanilang adbokasiya kahit pa balewalain o kutyain ang kanilang mga pagsisikap, at sinabing ang mga humaharap sa pagtutol dahil sa paggawa ng tama ay sumusunod sa parehong landas na tinahak ni Kristo.
Binigyang-diin din ni Bagaforo ang kahalagahan ng kababaang-loob at pagtitiyaga, sabay paalala na ang katotohanan ay namumunga sa tamang panahon ng Diyos, kahit ito’y una munang tinatanggihan.












