Ibinunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na natukoy na ang ilang indibidwal na umamo’y nasa likod ng nilulutong civilian-military junta na nagtatangkang pahinain ang Marcos Administration.
Maalalang una nang sinabi ni Sen. Ping Lacson na may mga lumapit sa kaniya upang maging bahagi ng naturang grupo.
Maging si Caritas Philippines president, Bishop Jose Colin Bagaforo ay inamin ding may mga lumapit sa kaniya upang suportahan ang itinutulak na military junta.
Sa isang panayam, sinabi ni Sec. Remulla na binabantayan na ng pamahalaan ang aktibidad at intention ng naturang grupo.
Sa katunayan aniya, hindi lamang sa isang senador ito inialok, tulad ng ginawa kay Lacson. Ini-alok din aniya ito sa isang bise-presidente para tuluyang maging presidente.
Binigyang-diin ng kalihim na batid ng gobiyerno ang mga bumubuo sa naturang grupo, kasama ang motibo at tinatangka nilang gawin sa ilalim ng panukalang ‘alternatibong gobiyerno’.
Bagaman nakapokus dito ang gobiyerno, tiniyak ni Remulla na hindi kailangang mag-panic sa naturang isyu. Mas mainam aniyang pagtuunan ng pansin ang isyu ng korapsyon sa mga flood control atbpang public infra project.
Tiniyak din ng kalihim na batid ng gobiyerno ng Pilipinas ang mga ini-aalok ng grupo sa bawat indibidwal na kanilang kinakausap at nilalapitan, kapalit ng pagsuporta sa isinusulong na civilian-military junta.
Kabilang dito ang pera, kapangyarihan, at posisyon sa gobiyerno, sakaling mangyari ang itinutulak na plano.
















