Target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maipatupad ang iisang 911 emergency hotline sa buong bansa sa loob ng anim na buwan upang mapabilis ang pagtugon sa mga insidente at maiwasan ang kalituhan mula sa iba’t ibang hotline numbers ng mga lokal na pamahalaan.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng DILG, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na kasalukuyang nasa Phase 1 na ang implementasyon ng 911 system.
Sa ngayon naipatutupad na ang 911 emergency hotline sa Metro Manila.
Ipatutupad na rin ang implementasyon sa Cebu, Ilocos, BARMM, Davao, Negros Island Region, Pampanga, at Region 8.
Ayon pa kay Remulla, “dialect-friendly” ang mga 911 call center upang mas madaling maunawaan at matulungan ang mga tumatawag sa oras ng kagipitan.
Para naman sa mga gumagawa ng prank calls, may kakayahan na umano ang sistema ng DILG na i-flag ang mga ito upang hindi na muling respondihan sakaling tumawag sila ulit.
Ayon sa DILG, nakatatanggap sila ng 60,000 tawag kada araw, at sa unang mga araw ng operasyon, 1/3 ng mga ito ay pawang prank calls.
Samantala, tinanong ni Senate Finance Committee Chairman Win Gatchalian kung may kaukulang parusa para sa mga gumagawa ng mga prank calls.
Paliwanag ni Remulla, inaayos pa ng DILG ang naturang polisiya dahil hindi pa perpekto ang implementasyon ng National SIM Card Registration at National ID System.
Gayunpaman, tiniyak ni Remulla na target ng DILG na sa loob ng anim na buwan ay maging operational na ang 911 hotline sa buong bansa upang magkaroon ng mas mahusay, mas mabilis, at mas organisadong emergency response system.