-- Advertisements --

Tinawag ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Interreligious Dialogue chair, Bishop Jose Colin Bagaforo bilang ‘test of accountability’ ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte.

Ayon sa obispo ng Kidapawan, hindi ito maituturing na political persecution, kundi isang prosesong konstitusyonal na naglalayong matiyak ang pananagutan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa publiko.

Ayon kay Bagaforo, hindi dapat ito kinatatakutan dahil kalakip nito ay ang ‘due process’ na pagkilala sa karapatan ng impeachable officials.

Tanong ng obispo, bakit kailangang katakutan ang due process? Kung inosente ang isang indibidwal aniya, tiyak na lalo pang mapapatatag ang kaniyang pagiging inosente sa pamamagitan ng legal process.

Ayon pa sa Catholic leader, dapat ay ituring ni VP Sara ang impeachment process bilang isang oportunidad na linisin ang kaniyang pangalan.

Babala nito, ang pagtutol sa accountability ay tiyak na lalo pang magpapababa sa tiwala ng publiko sa gobiyerno, lalo na’t sa Pilipinas na matagal nang namomroblema sa korapsyon.

Sa panahon na pinagdududahan ng mga mamamayan ang integridad ng mga public institution, ayon sa obispo, ay hindi dapat exempted ang mga highest official ng bansa sa accountability.

Sa huli, binigyang-diin ng obispo ang pangangailangang masuri ang mga ebidensiya at sa halip ay mamayani at lumabas ang katotohanan.