-- Advertisements --

Handa si Senator Vicente Sotto na maging lider ng minority bloc sakaling hindi siya palarin na maging Senate President sa 20th Congress. 

Ayon kay Sotto, bukas siya na maging minority leader dahil maganda rin daw ang papel nito sa Senado. 

Aniya, hindi na raw bago sa kanya ang gampanan ito dahil noon ay naging minority leader sa ilalim ni dating Senate President Nene Pimentel. 

Gayunpaman, sinabi ni Sotto na tuloy pa rin ang kanyang pagtakbo bilang pangulo ng Senado sa 20th Congress pero ang desisyon dito ay nasa kamay o depende sa kagustuhan ng mga kasamahan niyang senador. 

Samantala, sa pulong balitaan, naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na mananatili pa rin si Senador Chiz Escudero bilang Senate President sa 20th Congress. 

Aminado ang senador na marami na raw sa mga senador at papasok pa lamang ang nagpahayag ng suporta kay Escudero bilang pangulo ng Senado. 

Paglilinaw naman nito, walang pinapaikot na resolusyon para lumagda ang mga senador ng suporta ngunit naguusap-usap sila kasama ang mga senador na hindi boboto para kay Escudero tungkol sa kung sino ang susuportahan sa July 28.

Para naman kay Senadora Risa Hontiveros, mas “realistic” sa kanya ngayon na maging independent sa halip na maging kasapi ng Minority bloc sa Senado. 

Gustuhin man ni Hontiveros na maging lider ng minority bloc, aminado siyang mayroong mas malaki ang bilang sa mga kasamahan niyang senador para mag-minority. 

Gayunpaman, sa ngayon patuloy pa rin daw ang pag-uusap nila nina Senators-elect Bam Aquino at Kiko Pangilinan kung ano ang kanilang magiging komposisyon sa Senado pagpasok ng 20th congress.

Ngunit, kung ano man aniya ang magiging pasya ng kanyang mga kasamahan ay gagalangin niya ito.