Nanawagan si Senate Labor Committee Chairperson Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad ang P85 dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Wage Order No. 27.
Ayon kay Villanueva, mas dapat ipatupad ang Wage Order No. 27 dahil dumaan ito sa tamang proseso at konsultasyon sa mga stakeholder, kumpara sa bagong wage order na nagbibigay ng P60 dagdag-sahod.
Giit niya, mahalaga ang P25 diperensya sa dalawang wage order, lalo na para sa mga manggagawang patuloy na nahaharap sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binigyang-diin din ni Villanueva ang Article 126 ng Labor Code na nagsasabing hindi maaaring maglabas ng temporary restraining order o injunction laban sa isang wage order.
Aniya, malinaw din sa mga patakaran na isang wage order lamang ang maaaring ilabas kada taon, maliban kung may pangyayaring hindi inaasahan o bagong pangyayaring nagbibigay-katwiran para rito.
Kasunod nito, binigyang-diin ni Villanueva na hindi dapat madaliin o gawing shortcut ang proseso sa pagtatakda ng sahod, dahil maaari lamang itong magdulot ng kalituhan at maling pag-asa sa mga manggagawang matagal nang naghihintay ng dagdag-sahod.
Muling iginiit ng senador ang pangangailangang maipasa ang Living Wage Act, na aniya ay kaniyang pangunahing inakda noong 20th Congress, upang magkaroon ng malinaw na batayan sa pagtatakda ng sahod batay sa aktuwal at kasalukuyang halaga ng pamumuhay.
















