Mariing pinabulaanan ng actress na si Gretchen Barretto ang mga paratang na siya’y sangkot sa pagkawala ng 34 sabungero, sa kabila ng paglutang ng isang whistleblower na nag-uugnay sa kanya sa kontrobersyal na kaso.
Sa pahayag ng kanyang abogadong si Atty. Alma Mallonga, sinabi ni Barretto na wala siyang direktang kaalaman sa pangyayari at hindi siya kasangkot sa operasyon ng e-sabong na matagal nang itinigil. Aniya, isa lamang siyang investor sa isang negosyo kung saan may tinutukoy na “alpha members.”
Ang akusasyon ay nagmula kay Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy”, na nagbigay ng testimonya sa Senado.
Ayon kay Totoy, si Barretto ay isa sa “mastermind” umano ng nasabing pagkawala, dahilan sa ugnayan niya kay Atong Ang, isang kilalang gambling operator.
Ngunit giit ng kampo ni Barretto, wala raw ebidensyang nagpapatibay sa akusasyon.
Dagdag pa ni Atty. Mallonga, may umano’y tangkang pangingikil laban kay Barretto upang hindi mapasama sa listahan ng mga suspek, bagay na tinanggihan ng aktres dahil sa paniniwalang wala siyang ginawang mali.
Nanawagan ang kampo ni Barretto ng patas at masusing imbestigasyon, kasabay ng pakiusap sa publiko na huwag agad humusga hanggang hindi pa tapos ang pagsisiyasat.