Ipinagpaliban muna ng San Pablo, Laguna Regional Trial Court ang pag-iisyu ng ‘warrant of arrest’ laban sa negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang.
Ito mismo ang kinumpirma ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez sa kanyang inihayag patungkol sa nakabinbin pang isinampang kaso sa korte.
Aniya’y na-defer at hindi muna maglalabas ng ‘arrest warrant’ ang naturang korte alinsunod sa inihaing mosyon ng kabilang kampo.
Naghain kasi ng ‘motion to suspend proceedings’ ang puganteng si Atong Ang ayon sa naturang tagapagsalita kung kaya’t wala pa itong inilalabas na warrant.
Ito’y kakaiba kumpara sa ibang mga korte na siyang nauna nang nag-isyu ng arrest warrant laban kay Ang sa kaparehong mga kasong isinampa ng prosekusyon laban sa kanya.
Ang mga korteng ito ay ang Regional Trial Courts ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City sa Batangas.
Ibinahagi naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ng National Prosecution Service, na bukod sa pagpapaliban ng pag-iisyu ng arrest warrant, naglabas ang naturang korte ng kautusan.
Ipinag-utos aniya nito na isumite ang mga ebidensya pa at maging o pati ilang ‘counter affidavits’ ng mga respondents habang nasa kagawaran pa ang reklamo o isinasagawa ang ‘preliminary investigation’.
Dahil rito’y ipinaliwanag pa ng opisyal ang proseso ng korte lalo na partikular sa usapin pag-iisyu ng ‘arrest warrant’ laban sa isang akusado.
Ayon kay Prosecutor Gen. Fadullon, kasunod ng pormal maisampa sa korte ang kaso, may ilang araw ito para suriin ang ipinasang impormasyon.
Sa loob ng sampung araw, tutukuyin ng korte kung may sapat bang dahilan at basehan upang ito’y maglabas ng arrest warrant.
Ang puganteng si Charlie ‘Atong’ Ang, sa kabila ng mga arrest warrant inisyu ng korte ay kasalukuyan pa rin pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nahaharap siya sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
















