-- Advertisements --

Nagpatupad ang nagbabalik na alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ng curfew na tinawag na “protection hours” para sa mga menor de edad sa kabisera ng bansa.

Ito ay sa bisa ng nilagdaan ng alkalde na Executive Order 2 na nagpapairal ng curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw para sa mga batang edad na mas mababa sa 18 anyos.

Subalit bilang pagkilala sa Juvenile Justice and Welfare Act, hindi papatawan ng parusa ang mga batang mahuhuling gumagala sa mga lansangan ng lungsod sa kasagsagan ng curfew hours.

Sa halip ay dadalhin ang mga ito sa kanilang mga bahay o sa sinumang barangay official sa barangay hall saka lamang papalayain o iti-turn-over sa kustodiya ng kanilang mga magulang.

Subalit ayon kay Moreno, kung matigas ang ulo ng mga bata at ayaw sumunod sa curfew hours, kailangan nilang harapin ang batas.

Ginawa ng alkalde ang naturang hakbang kasunod ng mga ulat hinggil sa mga batang gumagala sa siyudad disoras na ng gabi na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga residente sa posibleng banta sa kapayapaan at kaayusan sa siyudad.

Kabilang sa mga kasong tinukoy ni Mayor Isko ay ang pagbili at pag-inom ng alak ng minors sa labas kapag gabi, mga away sa kalsada, paggamit ng mga ipinagbabawal na substance at petty crimes gaya ng pagnanakaw.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Mayor Isko ang Manila Police Department at Manila Department of Social Welfare na magpatupad ng mga protocol at maglatag ng checkpoints sa mga entry at exit points ng siyudad.