Naglabas ng pahayag ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila nitong Martes, Dec. 2, na hindi pa natatanggap umano ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kopya ng graft complaint na inihain laban sa kanya.
Kaugnay nito dinepensahan naman ng Lungsod ang naging pasya ng mga bumoto sa halalan ng Liga ng mga Barangay, kung saan 844 sa 896 barangay chairpersons ang umano’y bumoto pabor sa bagong set of officers ng Liga.
Pinabulaanan din ng LGU ang alegasyong pinilit o tinakot ang mga barangay official na sumali sa proseso.

Matatandaan na ang pahayag ng lungsod ay kasunod ng inihaing reklamo ni Dr. Leilani Lacuna, kapatid ni dating Mayor Honey Lacuna-Pangan, kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpili ng bagong President ng Liga ng mga Barangay sa Maynila.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Office of the Ombudsman hinggil sa reklamo habang hinihintay pa ang susunod na mga hakbang sa kaso.














