Naglabas ng reaksyon ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ukol sa inihaing patung-patong na mga reklamo ng kapatid ni former Manila Mayor Honey Lacuna na si Leilani Lacuna.
Sa inilabas nitong opisyal na pahayag, anila’y maituturing ‘insulto’ sa intelektwal na kapasidad ng mayorya ang sinasabing pagsasagawa ng umano’y espesyal na eleksyon ng Liga ng mga Barangay.
Giit kasi ang kampo ni Lacuna na ilegal ang naganap na eleksyon kamakailan nang siya’y tanggalin bilang lider o presidente ng naturang liga.
Subalit, naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ang anumang alegasyon ay di’ nangangahulugan o katumbas ng katotohanan.
Habang aminado ang opisina ng alkalde na hindi pa nito natatanggap ang kopya ng reklamo at hihintayin na lamang na pormal itong maisilbi.
Nirerespeto anila ang naging boto ng mga kasapi ng liga na 844 pabor para sa bagong liderato mula sa kabuuang bilang na 896 miyembro nito.

Pahayag naman ni Leilani Lacuna na ayaw nitong isipin na ang kanyang pagkakatanggal mula sa pwesto ay bunsod ng pulitika.
Ngayong araw ay kanyang inihain sa Ombudsman ang reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Usurpation of Authority at kasong administratibo tulad ng Grave Misconduct, at Grave Abuse of Authority.
Kanyang inirereklamo ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno, kasama pati bise alkalde na si Chi Atienza, at iba pang opisyal ng lungsod.
Nanindigan siyang may sapat silang ebidensya para patunayan maging ang pagkakaugnay ni Mayor Domogoso sa isyu.
Kaugnay pa rito, kanyang iginiit na maituturing ilegal ang isinagawang eleksyon na nagtanggal sa kanya mula sa pwesto sapagkat hindii aniya raw ito otorisado ng National Liga at Department of Interior and Local Government.
















