Makikibahagi ang mahigit 1,000 Japanese military personnel sa nakatakdang Balikatan Exercises ngayong taon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Plans MGen. Rommel Cordova, ang magiging simulation ngayong taon ay isa sa pinakamalaking military exercises sa kasaysayan ng Balikatan kung saan hindi lamang Philippine at US forces ang pangunahing makikibahagi sa kabuuan ng pagsasanay.
Maliban sa Japanese soldiers, makikibahagi rin ang daan-daang military personnel mula sa Australia, Canada, New Zealand, at France.
Isinasapinal din ang partisipasyon ng hanggang 18 iba pang mga bansa sa ilalim ng Balikatan International Observers Program.
Sa ngayon ay nagpapatuloy na aniya ang preparasyon habang papalapit ang military simulation na nakatakdang ganapin mula Abril hanggang Mayo 2026.
Kung babalikan ang Balikatan nitong 2025, hanggang 14,000 sundalo mula sa Pilipinas, US, Australia, at Japan, ang nakibahagi sa mga serye ng pagsasanay. Ang ilan sa mga ito ay nagsilbi bilang observer.
Ito ang unang pagkakataon na makikibahagi ang Japan sa malaking simulation matapos mapirmahan ang Reciprocal Access Agreement (RAA) na nagbibigay-daan para sa mas maraming military cooperation sa pagitan nito at ng Pilipinas.
















