Nagwelga ang alyansa ng grupo ng comfort women, descendants ng war victims at peace advocates sa Roxas Boulevard ngayong araw ng Huwebes, Agosto 14, kasabay ng pag-alala ng ika-80 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II (WWII).
Kabilang sa ipinanawagan ng grupo partikular na ni Lila Pilipina executive director Sharon Cabusao-Silva ang pagpapawalang bisa sa Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Japan at Pilipinas dahil magiging “stomping ground” lamang aniya muli ng mga tropa ng mga Hapon ang Pilipinas kung saan sa pagkakataong ito ay magbebenipisyo ang Japan na gawing malaking imbakan ang Pilipinas para sa missiles ng Japan.
Ayon naman kay FlowersforLolas campaign lead convenor Tessy Ang-See, bagamat matagal nang natapos ang giyera, nagpapatuloy pa rin aniya ito para sa mga biktimang nagtamo ng hindi masukat na danyos o pinsala dulot ng digmaan.
Hindi din aniya opisyal pang kinikilala ng Japan ang responsibilidad nito sa Pilipinas sa pandaigdigang digmaan at itinatanggi pa rin ang hustisiya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Kabilang pa sa nagkasa ng rally ang KAISA Para sa Kaunlaran, Gabriela Women’s Partylist, Bahaghari at Gabriela Youth.
Ginawa naman ng alyansa ang pagtutol sa defense agreement ng Pilipina sa Japan bago ang nakatakdang pagpapatupad nito sa Setyembre 11 ng kasalukuyang taon, na magbibigay daan sa pagpapalakas pa ng security cooperation ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng joint military drills sa teritoryo ng bawat isa.