-- Advertisements --

Idaraos ang dalawa pang malawakang rally laban sa korapsiyon sa Oktubre 17 at 21 sa lungsod ng Maynila, ayon sa Kilusang Bayan.

Isasagawa ito ng mga grupong nasa likod din ng isinagawang Trillion Peso March rally noong Setyembre 21.

Kabilang dito ang mga nag-organisa ng Baha sa Luneta rally na Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), at iba pang mga organisasyon, gayundin ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot na binubuo ng mga anti-corruption groups.

Ayon sa Kilusang Bayan, naghahanda na ang mga grupo para sa mas malawakang aksiyon sa mga susunod na araw upang magtuluy-tuloy ang public pressure at panawagan ng pananagutan kaugnay ng nagpapatuloy na flood control at corruption scandals.

Papangunahan din ng mga grupong kabataan ang rally at martsa sa Mendiola, Maynila sa Oktubre 17.

Ayon pa sa mga organizer, tumanggi ang mga kabataan na manahimik na lamang habang bilyun-bilyong kaban ng bayan ang ninanakaw, kaya’t kanila umanong ipapaabot ang kanilang boses sa mga makapangyarihan.

Samantala, ang protesta naman na ilulunsad sa Oktubre 21 ay pangungunahan ng grupo ng mga magsasaka mula sa mga lugar na naapektuhan ng baha. Gaganapin ito sa Liwasang Bonifacio upang iprotesta ang umano’y lantarang “pagtatakip” sa isyu ng korapsiyon sa Kongreso at sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Sasama rin dito ang iba’t ibang multisectoral organizations.

Ayon pa sa Kilusang Bayan, nangako umano ang mga grupo, kasama ang mga organizer ng mass action sa Oktubre 17, na ipagpapatuloy ang kanilang koordinadong pagkilos sa mga susunod na linggo bilang paghahanda sa isang nationwide rally sa Nobyembre 30.