Binatikos ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. dahil sa umano’y pag-lecture sa flood victims ukol sa kung paano dapat ilabas ang kanilang galit laban sa korapsyon.
Katwiran ng grupo, dapat ay mag-focus si Azurin sa pagpapanagot sa mga nagnakaw sa pondo ng publiko sa halip na nagle-lecture sa publiko at sa mga biktima ng mga serye ng pagbaha.
Tinukoy ng grupo ang naging pahayag ni Azurin noong siya ay nanumpa bilang bagong Special Adviser, kapalit ni Baguio City Mayor Magalong.
Lumalabas umanong itinuturing lamang ng dating Philippine National Police Chief ang mga kilos protesta bilang pagkakawatak-watak, kaguluhan, at karahasan, sa halip na tingnan ang mga ito bilang paraan para sa accountability at hustisiya.
Ayon pa sa grupo, minamaliit ni Azurin ang mga protesta at ang kapangyarihang naidudulot nito para sa pananagutan.
Kasabay nito ay muling binatikos ng grupo ang hindi pa rin pagbubukas o pagsasapubliko ng ICI sa mga ginagawa nitong pagdinig.
Giit ng mga ito, ang transparency sa pagdinig ay mahalaga upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga anti-corruption effort ng gobiyerno.