Nadadawit sa panibagong set ng ghost flood control projects sa Bulacan ang state witness na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Ito ay matapos lumabas sa isinumiteng fraud audit reports ng Commission on Audit (COA) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isinapubliko nitong Martes, na ang DPWH Bulacan First District Engineering Office ang nag-impelementa ng lahat ng naturang ghost flood control projects na nagkamal ng kabuuang P325 million na pondo.
Napag-alaman sa ginawang pagsusuri ng state auditors sa mga proyekto ang paulit-ulit na indikasyon ng sistematikong maling paggamit ng kaban ng bayan at malawakang iregularidad.
Ang mga ghost project ay inilipat sa hindi aprubadong mga lokasyon na paglabag sa procurement and contract rules. Ilang mga dokumento rin ang nawawala kabilang ang plano sa pagpapatayo ng mga proyekto, detalyadong breakdown ng halaga ng mga ito, geotechnical investigation reports, complete statements ng natapos na proyekto at aprubadong master plans.
Kaugnay nito, inirekomenda ng COA ang paghahain ng criminal cases laban kay Alcantara at iba pang dating engineers at kontraktors ng DPWH.
Matatandaan, noong Enero 15 nang i-admit si Alcantara bilang isa sa apat na state witness sa kaso may kaugnayan sa flood control anomaly.
















