-- Advertisements --

Pinaghahandaan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang distribusyon ng fuel subsidy sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUV).

Ito ay kasabay ng naka-ambang taas presyo sa mga produktong petrolyo, na inaasahang masusundan pa sa hinaharap.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, kasama sa mga paghahanda ang koordinasyon sa mga organisasyon at kooperatiba upang maabisuhan sila sa mga kakailanganin, oras na magsimula na ang pamamahagi ng tulong.

Pinapatiyak ng naturang opisina na may sapat at akmang documentary requirement upang maipadala kaagad ang pondo sa mga benepisyaryo sa sandaling may go signal na para simulan ang rollout ng fuel subsidy.

Nais din ng LTFRB na matiyak na lahat ng operator ay magkakaroon ng card kung saan ido-download ang fuel subsidy sa pamamagitan ng state-operated at government-owned bank (LandBank).

Ngayong taon, naglaan ang Department of Transportation (DOTr) ng humigit-kumulang P2.5 bilyon na pondo para sa fuel subsidy program nito. Ito ay inaasahang ipapamahagi sa lahat ng nasa sektor ng pampublikong transportasyon.

Sinisimulan ang pamamahagi ng fuel subsidy kapag umabot na sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.