-- Advertisements --

Inakusahan ni Caloocan Rep. Edgar Erice si House Majority Leader Sandro Marcos na umano’y may kinalaman sa kanyang pagtanggal bilang Senior Deputy Minority Leader.

Ayon kay Erice, ipinaalam sa kanya ni Minority Leader Marcelino Libanan ang kanyang pagpapalit at sinabing may “pressure from above,” lalo na tuwing binabatikos niya ang mga polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Sa hiwalay na privilege speech, sinabi ni Erice na wala siyang sama ng loob sa kanyang kapalit na si Rep Leila de Lima, ngunit iginiit niyang tila hindi tinatanggap ng liderato ng Kamara ang lehitimong kritisismo, lalo na sa usapin ng national budget at flood control projects.

Itinanggi naman ni Libanan na may pressure mula sa itaas at sinabing bahagi lamang ito ng internal na desisyon ng minority bloc. Pinabulaanan din ni Deputy Speaker Janette Garin ang alegasyon na nakialam ang majority sa pagpili ng mga opisyal ng minorya.

Nanindigan si Erice na matagal nang alam sa Kamara ang impluwensiya ng majority sa pamumuno ng minority bloc, at iginiit na ang kanyang mga pahayag ay laban sa polisiya at hindi personal na pag-atake. (report by Bombo Jai)