Gumawa ng double-double performance si Boston Celtics forward Jayson Tatum sa unang pagkakataon na bumalik siya sa hardcourt matapos ang halos isang taong pagpapagaling mula sa achiles injury.
Nagawa ni Tatum na magpasok ng tatlong 3-pointers mula sa walong kaniyang pinakawalan at sa kabuuan ay kumamada ng 15 points, 12 rebounds, at pitong assists.
Sa kabila ng mahabang pagpapahinga, nagawa pa rin ni Tatum na magpakita ng kaniyang championship caliber at nalimitahan lamang siya sa dalawang turnover habang ibinulsa rin ang isang steal.
Samantala, naging bakbakan ng Boston at Dallas Mavericks ngayong Marso-7, 2027, tinambakan ng 2024 NBA champion ang huli sa pamamagitan ng 48% shooting performance.
Hindi pinaporma ng Boston ang Dallas sa huling tatlong quarter ng laban at sa pagtatapos nito ay ipinalasap sa Mavs ang 20-point loss, 120-100.
Nanguna pa rin sa panalo ng Boston ang dating Finals MVP na si Jaylen Brown na kumamada ng 24 points, pitong rebounds, pitong assists, at dalawang steal.
Nasayang naman ang 19 points ng 4-time NBA champion na si Klay Thompson sa pagkatalo ng Mavs. Naipasok ni Thompson ang limang 3-pointers habang naglalaro bilang reserve forward.
Ito na ang ika-42 panalo ng Boston ngayong season habang nananatili sa 21 ang pagkatalo nito.
Hawak naman ng Mavs ang 21-42-win-loss record.















