Umabot na sa higit isang libo at limang daan ang nailikas, at lumikas o evacuees sa lungsod ng Maynila.
Batay sa ibinahaging impormasyon ng lokal na pamahalaan at Manila Department Social Welfare, patuloy na nadaragdagan pa ang bilang ng mga bakwit.
Ito’y kasabay sa ulan at malakas na hanging nararanasan sa lungsod dulot ng bagyong Uwan.
Partikular sa evacuation centers sa bahagi ng Baseco, aabot sa 292 pamilya o 890 indibidwal ang naitalang evacuees.
Habang sa unang distrito naman ng lungsod, mula sa mga barangay ng Isla Puting Bato, Brgy. 101, Brgy. 105 Happy Land Dulo Batuhan at Brgy. 128 ay aabot naman sa 166 pamilya o 650 na katao.
Ang mga lumikas naman sa ika-anim na distrito sa Brgy. 598 ay nasa 9 na pamilya ang nasa talaan.
Kung susumahin, batay sa huling rekord ng Manila Local Government, ang kabuuang bilang ng mga evacuees ay pumalo na sa 1,592.

















