Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Department (DSWD) sa mga magulang at guardians na maagang mag-aplay sa travel clearance ng mga menor de edad bago ang dagsa ng biyahe para sa Christmas holiday.
Ayon kay DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao, ang mga pamilyang nagpaplanong bumiyahe sa ibang bansa ay dapat na makakuha muna ng kinakailangang travel clearance certificate 30 araw bago umalis ng Pilipinas para maiwasan ang aberya.
Saad ng opisyal, ang mga aplikante ay maaaring maghain sa pamamagitan ng Minor Traveling Abroad Online System o eGov PH mobile application, na maaaring gawin sa online devices at web connection.
Dapat din aniya na sumailalim ang mga aplikante sa virtual interview sa DSWD Social workers para maberipika ang kanilang isusumiteng impormasyon.
Ang naturang travel clearance ay parte ng hakbang ng gobyerno para malabanan ang human trafficking sa mga menor de edad o mga indibidwal na 18 taong gulang pababa na bibiyahe abroad na walang kasamang mga magulang o legal guardians.
Iniisyu naman ng DSWD ang certificates of exemption para sa partikular na mga kaso kabilang na sa mga batang bibiyahe nang may kasamang hindi kasal na mga magulang o di naman kaya ay mga ulilang minors na may kasamang legal guardians.















