-- Advertisements --

Naka-standby na ang quick response team ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na daraanan ni bagyong Mirasol.

Ito ay para alalayan ang mga lokal na pamahalaan na maapektuhan ng naturang bagyo sa bansa.

Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group ASec. Irene Dumlao, naka-preposition na ang mahigit 2 milyong kahon ng family food packs sa mga bodega ng ahensiya sa buong bansa at nakahandang ipamahagi para sa napapanahong relief operations.

Maliban dito, mayroon ding mahigit 100,000 ready-to-eat food boxes na nakalaan para sa mga posibleng ma-stranded sakaling masuspendi ang biyahe sa dagat. Pagkukunan din ito ng mga pagkaing ipapamahagi sa mga ililikas na residente kung sakali.

Tiniyak din ng DSWD official na may mahigit 300,000 non-food items na handang ipamahagi para sa mga pansamantalang ililikas patungo sa mga evacuation center.

Hinimok naman ng DSWD official ang publiko na maging alerto at sumunod sa lahat ng direktiba o abiso mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan para na rin sa kanilang kaligtasan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Mirasol sa bansa.