Inilipat na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Malilipot, Albay, ang mga internally displaced persons (IDPs) sa dalawang pampublikong paaralan patungo sa bagong tayong Tent City.
Ang hakbang na ito ay layong masiguro at mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga residenteng napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na pagiging aktibo ng Bulkang Mayon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, matagumpay na nakapaglagay ang Field Office 5 ng DSWD at ang lokal na pamahalaan ng Malilipot ng kabuuang 131 tents sa bagong Tent City upang magsilbing pansamantalang tahanan para sa mahigit 100 pamilya na dating nanunuluyan sa San Jose Elementary School at San Jose National High School.
Ang paglipat na ito ng mga lumikas ay alinsunod sa umiiral na protocol ng Department of Education (DepEd) na nagtatakda ng 15-araw na limitasyon sa paggamit ng mga pampublikong paaralan bilang evacuation center o pansamantalang silungan para sa mga apektadong residente.
Dagdag pa ni Dumlao, tiniyak niya na patuloy ang pag-agapay at pagtulong ng DSWD sa mga apektadong lugar at komunidad, kabilang na ang walang patid na pagbibigay ng family food packs o mga pakete ng pagkain para sa mga pamilyang nangangailangan. (report by Bombo Jai)
















