DOH, target mapataas ang HIV testing sa gitna ng paglobo ng sakit sa mga kabataan
Target ng Department of Health (DOH) na mapataas ang masusuri sa Human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.
Ito ay sa gitna ng paglobo ng mga kabataang nagpopositibo sa naturang sakit.
Kasabay ng inilunsad na Patient Appointment System (PAS) ngayong araw sa San Lazaro hospital na major HIV treatment hub sa Pilipinas, inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na napakabata ng mga nagpopositibo ngayon sa HIV kung saan pinakabatang na-diagnose ay isang 12 anyos.
Kaugnay nito, binigyang diin ng kalihim ang pangangailangang mapataas ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa sakit dahil tanging nasa 61% pa lamang sa naturang age group ang sumailalim sa HIV testing.
Iginiit din ng kalihim ang kahalagahan ng paggamit ng anti-retroviral medicine (ARV) para makatulong na mabawasan ang mga kaso ng HIV sa bansa.
Paliwanag ni Sec. Herbosa na makakatulong ang naturang gamot para mapababa ang viral load ng mga pasyenteng may HIV at hindi maihawa ang virus.
Inirerekomenda din ang pagpapasuri sa HIV kada anim na buwan habang ang pag-refill naman ng ARV ay tuwing tatlong buwan.
Samantala, inihayag ni Dr. Ted na mas accessible na ngayon ang pag-avail ng libreng AVR treatment sa tulong ng bagong Patient Appointment System.
Maliban nga sa San Lazaro hospital, inilunsad na rin ang naturang sistema sa Employee Medical Clinic (EMC), Physical Medicine and Rehab Department (PMRD), at H4 Department para sa ARV refills at HIV testing.