-- Advertisements --

Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mamahagi ng relief aid sa gitna ng inaasahang maulang linggo.

Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG), may sapat na prepositioned family food packs (FFPs) sa mga bodega ng ahensya sa buong bansa.

Tinatayang nasa tatlong milyong FFPs ang agad na maaaring ipamahagi, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang magugutom sa panahon ng kalamidad.

Nakataas na rin ang alerto ng mga DSWD Field Offices sa NCR, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, at Eastern Visayas, at nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na pamahalaan para sa agarang tulong.

Ayon kasi sa state weather bureau nitong Martes, Agosto 26, asahan ang malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa dulot ng low pressure area (LPA) na namataan sa baybayin ng Siruma, Camarines Sur.

Bukod sa pagkain, nakaantabay din ang mobile kitchens, command centers, at iba pang kagamitan ng DSWD para sa mga apektadong lugar, lalo na sa evacuation sites.

Hinimok din ng DSWD official ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.