Nilinaw ng pamilya ni dating Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay na hindi COVID-19 ang sanhi ng pagpanaw nito kaninang umaga.

Ayon sa byuda nito na si Cecile Joaquin-Yasay, ang dating sakit ng kaniyang mister ay pinalala ng pneumonia, kaya hindi na ito naka-recover.

Pero dahil sa mga umiiral na health protocols, iki-cremate na lang ang labi ng dating opisyal.

Magiging pribado na rin ang iba pang aktibidad ukol sa pagproseso ng bangkay nito, bilang kahilingan ng pamilya Yasay.

Pumanaw ang dating DFA secretary sa edad na 73 taong gulang.

Nanungkulan siya bilang secretary ng DFA mula Hunyo 30, 2016 hanggang Marso 8, 2017.

Hindi naman naaprubahan ang kaniyang appointment nang dumaan ito sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) dahil sa isyu ng kaniyang citizenship.

Namuno rin siya sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong 1995 hanggang 2000.

Buhos naman ang pagpapa-abot ng pakikiramay mula sa mga dati nitong kasamahan sa trabaho mula sa pampubliko at pribadong mga tanggapan.