Posibleng ma-dismiss ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kung mapatutunayang walang hurisdiksyon ang kasalukuyang impeachment court.
Sa panayam, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, ang unang sinusuri ng Korte ay kung mayroon silang jurisdiction sa isang kaso.
Bukod dito, iginiit ni Cayetano, na isang abogado, kahit hindi pa nailalatag ang ebidensya, maaaring mabasura ang impeachment case kung sa una pa lang ay wala ng hurisdiksyon ang korte sa kaso.
Gayunpaman, paglilinaw nito, na hindi basta-basta ang dismissal at sa halip ay kailangan aralin ito ng mabuti.
Sa huli, sa tingin ni Sen. Cayetano mauuwi sa korte suprema ang pagwestyon sa jurisdiction kung hindi rin nila ito aaksyunan agad.
Nakasalalay ngayon sa Kamara ang muling pagco-convene ng Senate impeachment court sa 20th Congress para sa impeachment trial laban kay Duterte.
Ayon kay Senate impeachment court Spokesperson Atty. Regie Tongol, kailangan munang maisumite ng prosekusyon ang hinihingi sa kanilang sertipikasyon kung nais ituloy ang paglilitis laban kay VP Sara.
Noong Hunyo 10, inatasan ng Senado bilang impeachment court ang mababang kapulungan na magsumite ng sertipikasyon na hindi sila lumabag sa one year ban sa paghahain ng impeachment complaints at pinagagarantiya rin kung nais ipagpatuloy ang impeachment proceedings.
Naipasa na ng prosekusyon ang unang kinakailangang sertipikasyon samantalang hindi pa sila nakakapag-comply sa ikalawang sertipikasyon, na may direktang kaugnayan sa kagustuhan ng Kamara na ituloy ang paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo.
Anumang mosyon aniya upang buksan muli ang Korte ay posibleng sa Hulyo 29 na o pagkatapos ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.