-- Advertisements --

Masusing binabantayan ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua ang mga galaw ng mga barkong pandigma at coast guard ng China na namataan sa may 69.31 nautical miles ng Cabra Island sa Occidental Mindoro.

Sa isang statement sa kaniyang X account, kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na nagsagawa ang BRP Teresa Magbanua ng pagpapatroliya sa lugar at inisyuhan ng radio challenge ang People’s Liberation Army (PLA) Navy warship 793 para ihayag ang intensiyon nito sa lugar subalit walang tugon mula sa naturang barkong pandigma ng China.

Ngunit ang escort nito na China Coast Guard 4203 ang tumugon at iginiit ang soberaniya at hurisdiksiyon umano ng China sa nasabing katubigan.

Kaninang alas-11:00 ng umaga, patuloy na nagsagawa ng shadowing ang BRP Teresa sa mga barko ng PLA Navy at CCG na sinamahan ng isa pang barkong pandigma na PLA Navy warship 164.

Bunsod ng mga galaw ng nasabing mga barko ng China, nag-isyu ang crew ng BRP Teresa ng ilang serye ng radio challenge subalit walang natanggap na tugon mula sa warships ng China.

Dito iginiit ng PCG na nagsasagawa ang mga barko ng China ng mga operasyon sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng PH at pinaalalahanan ang mga ito na igalang ang hurisdiksiyon ng bansa, tumugon sa radio communications at itigil ang pagsasagawa ng hindi awtorisadong pagpapatroliya o anumang aktibidad sa EEZ ng PH.

Samantala, naobserbahan naman na nagsagawa ang PLA Navy warship 164 ng helicopter landing exercises sa may flight deck nito kaakibat ang pagsasagawa ng tuluy-tuloy na mga aktibidad na ni-rekord naman ng panig ng PCG.

Samantala, ang presensiya naman ng mga barko sa karagatan ng Pilipinas ay sa gitna ng pagdiriwang ng bansa sa ika-siyam na anibersaryo ngayong araw, July 12 sa panalo nito sa 2016 arbitral ruling na nagpapawalang bisa sa malawakang claims o pag-aangkin ng China sa WPS.