Ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na wala nang anumang roadwork o infrastructure project ang papayagang isagawa sa lungsod kung hindi ito alinsunod sa City Drainage Master Plan.
Ginawa ni Domagoso ang pahayag sa isang pulong kasama ang DPWH, MMDA, Maynilad, Manila Water, at iba pang ahensya ng pamahalaan, kung saan muling tinalakay ang matagal nang drainage blueprint ng lungsod na sinimulan noong kanyang unang termino noong 2021.
Ayon sa alkalde, marami sa mga proyektong imprastruktura ang nagdulot ng matinding pagbaha sa lungsod dahil sa kapalpakan sa pagpapatupad, kabilang ang pagtatakip ng mga manhole.
Binanggit niyang may mga lugar sa Maynila na dati ay hindi aniya binabaha kahit sa gitna ng bagyo, ngunit ngayon ay regular nang nalulubog sa baha.
“Hindi kami mag-aapruba ng permit kung hindi nakaayon sa drainage master plan,” giit ni Domagoso.
Bagama’t nilinaw niyang hindi ito paninisi, hinikayat niya ang mga ahensyang sangkot na seryosohin ang pagpapatupad ng plano, na aniya’y nakabatay sa siyensiya at aktwal na sitwasyon ng lungsod.