Matapos ang apat na taong pagtatago, lumantad na si Julie “Totoy/Dondon” Patidongan, ang whistleblower sa kaso ng 34 nawawalang sabungero, upang magsampa ng reklamo laban sa 12 pulis na umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima.
Sa isinampang affidavit complaint kay Napolcom nitong Lunes, Hulyo 14, sinabi ni Patidongan na maaaring umabot sa higit 100 ang totoong bilang ng mga nawawala.
Sa isang press conference, inilahad niyang dinala umano ang mga sabungero sa isang farm malapit sa Taal Lake na inupahan umano ng isa sa mga pulis bago pinaslang at itinapon ang mga bangkay sa lawa mula 2021 hanggang 2022.
Hindi napigilan ni Patidongan mapaiyak nang tanungin kung bakit ngayon lang siya lumantad.
‘kahit sinong tao, kapag pinagusapan dito pamilya, P***na nila, wala akong kinatatakutan sa kanila kung alam nyo lang ang buong pamilya ko papatayin niya,’ umiiyak niyang pahayag.
Bagamat hindi tinukoy kung sino ang nagbanta sa kanyang pamilya, direkta niyang idinawit ang negosyanteng si Charlie “Atong” na utak umano sa krimen, at sinabing iniutos nito ang pagpatay sa mga sabungerong hinihinalang nandaraya o nagma-match fixing.
“It’s okay if you kill me, pero ‘wag mong idamay ang pamilya ko,” wika pa ni Patidongan.
Mariin namang itinanggi ni Ang ang mga paratang at nagsampa rin ng kaso laban kay Patidongan, kabilang ang robbery, grave threat, at paninirang-puri.
Patuloy namang nagsasagawa ng search operations ang Philippine Coast Guard sa Taal Lake, kung saan limang sako ng mga sunog na buto ng tao at hayop ang narekober na sa ilalim ng tubig.
Ayon sa Napolcom, inaasahang maglalabas sila ng resolusyon sa loob ng 60-araw kaugnay ng mga reklamong inihain ni Patidongan.