Mariing kinuwestiyon ni Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang “Report on the Assessment by the Medical Officer of the Detention Centre” na tumatalakay sa kalagayang medikal ng kanyang kliyente.
Sa isang dokumentong inilabas ng International Criminal Court (ICC) na may petsang Oktubre 9, 2025, nakalahad ang ilang vital information ukol sa kalusugan ng dating presidente.
Ayon kay Kaufman, hindi siya binigyan ng anumang written consent mula kay Duterte para sa paglalantad ng personal na impormasyon ukol sa health condition nito.
Ipinakita lamang umano sa kanya ang tinatawag na “Factual Report” sa paragraph 16 ng dokumento sa loob ng maikling sandali bago ito ibinalik sa mga otoridad ng detention centre.
Hindi rin siya binigyan ng pagkakataong makakuha ng kopya ng nasabing ulat.
Pinuna ni Kaufman ang sinasabing “informed written consent” na nakuha mula kay Duterte, at iginiit na ito ay hindi balido.
Aniya, ang taong kumuha ng pahintulot ay may iniindang kondisyon at “cognitive impairment” na kasalukuyang sinusuri ng hukuman.
Sinabi rin ni Kaufman na inamin ni Duterte na siya ay tinakot ng isang indibidwal na hindi pinangalanan sa dokumento.
Tinawag ng depensa na “unprecedented and ethically questionable” ang naging proseso ng pagkuha ng pahintulot at paghawak sa ulat medikal.
Ayon pa kay Kaufman, matagal na niyang ipinaabot sa Registry ng ICC ang kondisyon ni Duterte, ngunit hindi ito pinansin.
Sa halip, nagresulta pa ito sa isang “unilateral reprimand” laban sa kanya.
Ang mga alegasyong ito ay bahagi ng patuloy na legal na proseso sa ICC kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
Patuloy ang pagtutol ng kampo ng dating pangulo sa mga hakbang ng ICC, lalo na sa aspeto ng kalusugan at kakayahan nitong humarap sa paglilitis