Iginiit ni Atty. Andre de Jesus na matibay ang kanyang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at hindi ito basta inihain para lamang gumulong ang one-year bar rule.
Aniya, sapat ang mga ebidensiyang nakapaloob sa 15-pahinang reklamo na tumutukoy sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pagkakasangkot sa flood control scam, at pagpayag sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng ICC warrant.
Binanggit din niya na ang mga alegasyon ay malinaw na nagpapakita ng paglabag sa Konstitusyon at betrayal of public trust.
Gayunman, binatikos ni Rep. Edgar Erice ang reklamo at sinabing napakahina nito dahil tila minadali lamang ang pagkakagawa.
Ayon kay Erice, mga news clips lang ang nakapaloob na hindi tinatanggap bilang ebidensiya sa hukuman.
Sa kabila ng mga puna, nanindigan si De Jesus na may sapat na batayan upang simulan ang impeachment proceedings.
Samantala, nagpahayag ang Palasyo ng tiwala na gagampanan ng Kongreso ang tungkulin nito nang may integridad at patas na pagdinig.
















