-- Advertisements --

Tinabla ni Atty. Neri Colmenares ang claim ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang ‘common plan’ sa mga naganap na patayan sa ilalim ng drug war ng dating pangulo.

Ayon kay Colmenares na nagsisilbing Atty. Neri Colmenares, legal counsel for families of drug war victims, nagkarooon ng malawakang patayan, at sa bawat talumpati ng dating pangulo ay kaniyang ipinagmamayabang ang bulto ng mga namamatay sa drug war.

Kung walang ”common plan” dito aniya, paano ipapaliwanag ng nakalipas na administrasyon ang mga patayan na parehong kinikilala ng Philippine government at mga international observer bilang resulta ng drug war?

Hindi aniya katanggap-tanggap na sabihing walang binuong plano na ipinatupad sa drug war dahil may common denominator o pagkakapareho sa mga nangyaring patayan, bagay na una nang naipakita at na-establish ng prosecution.

Tinawanan din ng batikang human rights lawyer ang tinuran ni Kaufman dahil kung ipipilit aniya ng abogado na walang plano, mistulang sinasabi nitong nagkaroon ng mga Pilipinong may problema sa pag-iisip at basta na lamang pumatay ng libo-libong indibidwal sa loob ng anim na taon ni Duterte bilang pangulo.

Nanindigan si Colmenares na hindi isang ‘random action’ ang nangyaring patayan, at sa halip ay planado at may sinunod na sistema.

Ayon pa sa abogado, tiyak na hindi paniniwalaan ng mga judge ng International Criminal Court (ICC) ang tinuran ng lead defense counsel, dahil hindi ito kapani-paniwala.

Sapat din aniya ang mga ebidensiya at dokumento na magpapatunay na organisado ang mga pagpatay na tiyak ding iprepresenta ng prosecution, lalo na kung magtutuloy ang kaso sa full trial.