Kaniya-kaniyang bitbit na mga artista, singer at banda ang iba’t ibang kumakandidato sa pagkapangulo sa isinagawa nilang huling Miting de Avance nitong Mayo 7.
Sa tambalan nina dating Senador “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte, dumalo ang mga artista tulad nina Willie Revillame, Ai-Ai Delas Alas, Karla Estrada, Pops Fernandez, Andrew E., Brod Pete, Bayani Agbayani, Toni Gonzaga at Beverly Salviejo.
Nagtanghal din sina Kris Lawrence, Aegis, Bugoy Drilon, Daryl Ong at Michael Pangilinan, at DJ Loonyo.
Sa panig naman ng tandem nina Vice President “Leni” Robredo at Senator “Kiko” Pangilinan na ginanap sa Ayala Avenue sa Lungsod ng Makati, tampok sina Vice Ganda, Iza Calzado, Angel Locsin, Anne Curtis, Jane De Leon, Camille Prats, Rochelle Pangilinan, Kim Chiu, Catriona Gray, Robi Domingo, Janella Salvador, bandang Ben and Ben at maraming iba pa.
Sa kaniyang social media account, inidorso naman ng sikat na sexy video blogger na si Ivana Alawi si Robredo bilang kaniyang pangulo.
Iba’t ibang banda rin ang nagtanghal sa tandem nina Manila Mayor Isko Moreno at Doc Willie Ong na ginanap sa Tondo, Manila.
Nanguna ang anak nitong artista na si Joaquin Domagoso, Mocha Uson kasama ang girl group nito na Mocha Girls, Mikee Quintos, dating Imago band singer Aia de Leon at iba pa.
Dinaluhan din ng mga artista ang huling Miting de Avance ng presidential candidate at Senator Manny Pacquiao na idinaos sa General Santos.
Ilan sa mga dumalo ay ang pamilya Guttierez sa pangunguna nina Ruffa, Richard, Eddie at Anabelle Rama.
Nagtanghal din sina Freddie Aguilar, J. Brothers, Marcelito Pomoy, Max Surban, Skusta Clee, 9K Records, Gerlyn Abano at Mitoy Yonting.