Isiniwalat ni Batangas 1st District Cong. Leandro Leviste na hindi na nagkakaroon ng opisyal na bidding ang mga nagiging proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa halip, ito ay pinipili na lamang ang mga contractor na malapit sa mga nakaupong opisyal kapalit ng kickbacks.
Kaugnay pa nito, ibinunyag din ni District Engineer Abelardo Calalo kay Leviste ang pangalan ng ilang malalaking contractor at ang papel ng mga ito sa ilalim ng dating kinatawan ng distrito. Ani Leviste, sa loob ng tatlong taon, maaring umabot sa higit 1-B ang maitatabi para sa Congressman.
Dagdag pa ng kongresista, nakikita niya ring dahilan ang paglapit sa kanya ng mga contractors dahil iniinspect niya ang mga flood-control projects sa 1st District ng Batangas, kasama na rito ang mga nasira agad na mga proyekto. Giit niya, na kapag nakatanggap na ng kickback ang isang Congressman, posible niyang hindi na pupuntahan at iimbestigahan ang mga substandard na mga proyekto.
Nanindigan din si Leviste na marapat ng matapos ang korapsyon sa loob ng DPWH dahil naaapektuhan ang mga proyekto na ibinibigay sa mga mamamayan. Kaya naman hinimok niya ang district engineer at iba pang mga dating empleyado ng DPWH o mga contractor na maging state witness upang ganap na mabunyag ang lawak ng korapsyon.
Samantala, sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kung nakapag-usap na ba sila ni Sec. Manuel Bonoan, inihayag niya na hindi pa sila nakakapag-usap ng kalihim ngunif kinilala ang naging agaran niyang aksyon hinggil dito.
Dagdag pa niya na sana ay magkaroon pa ng iba pang aksyon dito at hindi lamang matapos sa pag-aresto. Handa rin siyang makipag-usap kung kinakailangan ngunit ipinapaubaya niya na lamang ito sa kakayahan ni Bonoan.