-- Advertisements --

Nanindigan ang kasalukuyang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Secretary Juanito ‘Jonvic’ Remulla na walang malakihang mababago sa serbisyong hatid ng Philippine National Police.

Aniya’y makatitiyak umano ang publiko na magpapatuloy pa rin ang mga programa ng Pambansang Pulisya sa mga responsibilidad at trabaho nitong mapanatili ang kaayusan, kaligtaasan at kapayaan ng bansa.

Ito’y kasunod ng pagkakatanggal mula sa pwesto ni dating Philippine National Police Chief Police General Nicolas Torre III na siyang kanyang inanunsyo ngayong araw.

Giit ni Secretary Remulla, bagama’t nagkaroon ng pagpapalit ng liderato, inaasahan pa rin anila na ipagpapatuloy ni Philippine National Police Officer-in-charge Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang naumpisahan ng kanyang pinalitan.

Kaya’t ang paglulunsad ng unified 9-1-1 Hotline ng pamahalaan, 5-minute rule response ng pulisya at iba pang programa ay siyang ipagpapatuloy pa rin.

Habang kanya namang itinanggi na mayroon siyang kinalaman sa pagkakasibak kay former PNP Chief Police General Nicolas Torre III.

Binigyang linaw ng naturang kalihim na hindi niya ito direktiba kundi ‘prerogrative’ ng kasalukuyang pangulo na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Maging ang rason kung bakit sinibak ang naturang opisyal ay kanyang tinanggihan munang ibahagi at ipinauubaya na lamang sa pangulo.

Bagama’t sinibak o tinanggal sa pagkakaupo bilang hepe ng Pambansang Pulisya, maisa pang ulit na binigyang linaw ni Secretary Remulla na hindi ito dahil sa may nilabag umano si Philippine National Police Chief Police General Nicolas Torre III.

Aniya’y nagkaroon naman ng mga pag-uusap sa pagitan nila kasama maging ang pangulo.

Samantala dahil sa pagkakatalaga ni Philippine National Police Officer-in-charge Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. sa kanyang panibagong posisyon, kanyang ipinaabot ang mensahe ng pagkagalak.

Makakaasa umano ang publiko na kanyang itataguyod ang integridad ng Pambansang Pulisya at tatalima sa mga kagustuhan ng Pangulo.