Nagdaos ng misa ang mga kaanak at kaalyado ng mga Aquino sa Manila Memorial Park kung saan nakahimlay ang puntod ng yumaong si dating Senator Ninoy Aquino Jr. kasabay ng paggunita ng ika-42 anibersaryo ng kaniyang kamatayan ngayong Huwebes, Agosto 21
Pinangunahan ni Father Manoling Francisco ang idinaos na misa kung saan sinabi niya na nawa’y hindi makalimutan ng taumbayan lalo na ng mga kabataan ang sakripisyong nagawa ng yumaong Senador para sa bansa.
Kasama din sa dumalo ang apo ni Ninoy na si Kiko Aquino-Dee. Nagpaabot si Kiko ng pasasalamat sa mga sumuporta sa kanilang pamilya. inihayag din niya na sa loob ng pitong taon at pitong buwan na pagkakakulong ng kaniyang lolo, umuwi pa rin siya sa kabila ng banta sa kaniyang buhay, dahil minahal niya ang Pilipinas.
Nagbigay din ito ng pahayag sa tinuran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa reconciliation, aniya, naninindigan ang kanilang pamilya sa kanilang dati ng posisyon na walang reconciliation hanggang walang hustisiya.
Matatandaan, isinagawa ang asasinasyon kay Ninoy sa dating Manila International Airport noong Agosto 21, 1983.