-- Advertisements --

Inihayag ng Palasyo ng Malakanyang na maaring makisali sa pagkasa ng lifestyle check ang Office of the Ombudsman at Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa mga opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito’y matapos ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng DPWH kasunod ng kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, sa ngayon kanya-kanyang pangungunahan ng mismong mga ahensya ang lifestyle check sa kanilang mga opisyal at empleyado.

Tiniyak ng Palasyo na may makakasuhan at mapapanagot sa imbestigasyon sa flood control projects, dahil hindi na natutuwa at galit na galit na ang pangulo sa mga anomalya at korapsyon sa mga proyekto.

Batay sa datos ng Presidential Communications Office (PCO) umabot na sa 11 projects ang personal na nainspeksiyon ng Pangulo sa Marikina, Iloilo, Bulacan at Benguet ilang araw matapos na matanggap ang mga reklamo sa sumbongsapangulo.ph.

Sa ngayon umabot na sa 9,020 na reports kaugnay sa flood control projects ang natatanggap ng Pangulo.

Muling hinihikayat ng pamahalaan ang taumbayan na makialam at isumbong sa Pangulo ang mga kuwestiyonableng flood control projects.