-- Advertisements --

Kumpiyansa si House Committee on Public Order and Safety at Manila Representatives Rolando Valeriano na hindi nanggaling sa House of Representatives ang budget insertions na nasa sa P60-80 billion na pondo sa ilalim ng 2025 national budget na hindi pina release ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Ayon kay Valeriano, nais din niya mabatid kung saan talaga nagkaroon ng insertions ng pondo lalo at sa bersiyon ng Kamara ay wala ito.

Inihayag ng Kongresista nakipag ugnayan na siya kay Budget Secretary Amenah Pangandaman upang makakuha ng kopya ng final version ng General Appropriations Act (GAA) dahil dito malalaman kung saan naganap ang budget insertions para sa mga infrastructure projects ng DPWH.

Binigyang-diin ng Manila solon na walang itinatago ang Kamara kaya naniniwala ito na lalabas din ang katotohanan.

Una ng inihayag ng Palasyo ng Malakanyang na ang nasabing pondo ay mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isiningit ng Kongreso.

Hindi naman nabanggit ng Department of Budget and Management (DBM) kung ang budget insertions ay mula sa Kamara o sa Senado.