Wala umanong sama ng loob si dating PNP Chief General Nicolas Torre III matapos siyang sibakin bilang hepe ng pambansang pulisya.
Sa panayam sa Kamara, sinabi ni Torre na nananatili ang kanyang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos at wala rin siyang pinagsisisihan.
Inamin ng dating hepe ng pambansang pulisya na tanggap niya na talagang walang permanente sa pwesto.
Ayaw din munang sagutin ni Torre kung tatanggapin niya ang anumang posisyon sa gobyerno at makabubuting hintayin na lang ang opisyal na announcement kung may iaalok sa kanya.
Kinumpirma naman ng opisyal na nakatakda siyang mag-file ng leave of absence dahil hanggang ngayon ay pulis pa rin naman siya.
Wala pa umanong pag-uusapan na turn-over lalo’t wala pang abiso at 4-star general pa rin siya.
Sa kabila ng mga pangyayari, inihayag ni Torre na hindi siya bitter sa katunayan ay nakahanda siyang magbigay ng payo sa bagong PNP Chief na si PLt.General Jose Melencio Nartatez na tinawag niyang “very good police officer”.
Nilinaw din ni Torre na “in good terms” umano sila ni DILG Secretary Jonvic Remulla.
Inihayag din ni Torre na dumalaw siya sa Kamara upang personal na batiin at dalhan ng cake si Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima para sa kanyang kaarawan.
Una ng kinuwestiyon ni De Lima ang pananahimik ni PBBM sa pag alis sa pwesto kay Torre.
Tanong kasi ni De Lima anong nangyari kay Torre na sa kabila ng magandang performance nito ay sinibak pa rin sa pwesto.
Kinumpirma din ngayong araw ng Malakanyang na may iniaalok na pwesto sa gobyerno para kay Gen. Torre.